Tuesday, May 12, 2020

NTC, pinapaliwanag kung bakit hindi sila dapat i-contempt ng Kamara

Tinaningan ng 72 oras ng House committee on legislative franchises ang National Telecommunication Comission o NTC upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat mai-cite for contempt kaugnay sa inilabas nilang cease and desist order para ipahinto ang operasyon ng ABS-CBN networks.
Sa pamamagitan ng electronic mail o email, nagpadala ng show cause order si House committee chairperson Rep Franz Alvarez para kina NTC Commissioner Gamaliel Cordova, Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Deles at NTC Legal Head Atty Ella Blanca Lopez.
Batay sa kautusan, ang pagkabigong sumunod ng NTC sa itinakdang oras ay magreresulta para sila ma-cite for contempt ng Kamara at nahaharap pa sa ibang legal action na nasa kapangyarihan ng Kongreso na ipatupad.
Batay pa rin sa kautusan, ang aksyon ng NTC ay bumubuo ng hindi nararapat na panghihimasok at pagsuway sa kapangyarihan at otoridad ng Kamara.
Matatandaang nagbigay ng katiyakan ang NTC sa hearing ng committee on legislative franchises noong March 10, 2020 na papayagan nilang magpatuloy sa operasyon ang ABS CBN hanggang sa panahong ilabas ng Kongreso ang franchise renewal nito.