Saturday, May 09, 2020

Speaker Cayetano: Gagawin Kamara ang kanilang trabaho kaugnay sa ABS-CBN broadcast franchise

Muling tiniyak ng liderato ng Kamara na gagawin nila ang kanilang trabaho kaugnay sa ABS-CBN broadcast franchise.
Binigyang-diin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magsasagawa ng public hearing ang House committee on legislative franchises sa pangunguna ni Palawan 1st District Rep Franz Alvarez sa paraang patas, walang kinikilingan, masinsinan at komprehensibo.
Wala na rin aniyang saysay kung magiging magulo pa ang isyu, subalit hindi nito nabago ang katotohanang nasa exclusive constitutional authority ng Kongreso na magbigay, tanggihan, pahabain, bawiin o baguhin ang mga broadcast franchises.
Sinabi ni Cayetano na ang panghihimasok ni Solicitor General Jose Calida ang bunga ng pagsuko ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pag-issue nito ng isang cease and desist order sa ABS-CBN networks.
Ito'y sa kabila ng legal opinion ng Department of Justice, resolution mula sa Senado, assurance given under oath at ilang verbal and written assurances na ibinigay ng NTC sa Kongreso.