Pinahayag ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco ang pagkakapasa sa komite ng Kamara ng ‘bike bills’ bilang alternatibong transportasyon ng publiko sa ‘new normal’.
Pinasalamatan ng mambabatas ang House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Samar Rep Edgar Mary Sarmiento sa pagkakaapasa ng bike bills kung saan kabilang dito ang isinulong nitong HB04493 o ang pag-establisa ng Bike Lanes para sa kaligtasan ng mga nagbibisikleta bilang alternatibong pamamaraan ng transportasyon.
Sinabi nito na sa pamamagitan ng bisikleta ay mapananatili sa ‘new normal’ ang social distancing at makakasunod sa safety protocols bukod pa sa iwas polusyon ang sistema.
Samantala ang Department of Transportation (DOTr ) naman ang magsisilbing lead agency sa pagpapatupad ng mga bike lanes para sa mga nais gumamit ng bisikleta sa pamamagitan ng National Bike Program.
Alinsunod din sa panukala ang ‘Pasig River Overhead Bike Lane’ ay maaaring tumawid sa pagbibisikleta sa mga lungsod ng Maynila, Makati, Taguig, Mandaluyong at Pasig tulad sa Netherlands, Denmark, United Kingdom at maging sa Estados Unidos na pawang mga tinaguriang ‘bike friendly communities“.