Ipinahayag ni Speaker Alan Peter Cayetano na maari nang umpisahan ng House Committee on Legislative Franchises ang sunod-sunod na mga pagdinig sa susunod na linggo.
Inaasahan din na ang Kamara de Representantes ay magpasya na sa magiging kahihinatnan ng media giant na ABS-CBN sa darating na Oktubre.
Ibinunyag ni Cayetano na ang komite ay inaasahang makapagsumite ng rekomendasyon nito hinggil sa congressional franchise ng ABS-CBN sa unang linggo ng Agosto.
Ang schedule ay magbibigay ng puwang sa Lower Chamber na makapagsagawa ng mga plenary debate at botohan sa maging rekomendasyon ng komite bago mag-October break.
Ayon pa sa Speaker, si Palawan Rep Franz Alvarez na namuno ng komite ay patuloy na magsasagawa ng mga hearing tungkol sa panukalang prangkisa kahit naka-two-month break ang Kongreso at ito ay inaasahang mag-sumite ng report sa Agosto.
Itinakda nama ni Alvarez ang hearing ng komite sa pamamagitan ng video conferencing platform sa darating na Martes.