Wednesday, May 27, 2020

Legislative calendar ng Kongreso, dapat amiyendahan para maiwasan ang kontrobersiya sa ekstensiyon ng mga sesyon

Iminungkahi ng ilang senior administration leaders ng Kamara de Representantes na amiyendahan ng Kongreso ang legislative calendar nito upang maiwasan ang isang constitutional controversy na maaring mangyari kung ito ay magpatuloy pang mag-sesyon matapos ang June 24 validity ng Bayanihan to Heal as One act.
Mariing sinabi nina Anakalusugan partylist Rep Michael Defensor at Ako Bicol partylist Rep Alfredo Garbin na may pangangailangang i-extend ang batas na naggawad ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para matugunan ang banta ng COVID-19 pandemic.
Ngunit gahol na umano ang Kongreso sa oras upang ito ay makapag-hain at makapag-pasa ng panukalang magbibigay ng ekstensiyon sa panahon na saklaw lamang sa batas dahil kulang-kulang sa dalawang linggo na lamang silang makapag-plenary session.
Batay sa kalendaryo ng Kongreso na inaprubahan ng dalawang kapulungan, ang sine die adjournment ay mag-umpisa sa June 6, kaya bale sila ay may hindi na hihigit pa sa anim na sesyon ang nalalabi.
Ngunit sinabi ni Defensor na pabor din siya kung mangyaring may panawagan ang pangulo para sa isang special session.
Ayon naman kay Garbin, ang isang ekstensiyon ng kasalukuyang sesyon ay may pangangailangang amiyendahan muna ang legislative calendar.