Ipinanukala ni PBA Rep Jericho Nograles na alisin sa coverage ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ang mga mahahawa ng coronavirus disease dahil sa katigasan ng ulo.
Ito ay matapos dumagsa ang mga tao sa mall sa unang araw ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine.
Kung magpapatuloy ito, ayon pa sa kanya, posibleng magkatotoo ang pinangangambahang second wave ng COVID-19 sa bansa.
Kaya dapat bago sagutin ng PhilHealth ang gastos ng isang COVID-19 patient, aniya ay dapat magsagawa muna ito ng imbestigasyon at tukuyin kung paano nahawa ang pasyente.
Kung mapatutunayang nahawa ito dahil sa kanyang pagma-mall o paggagala kahit ipinagbabawal ay hindi dapat bayaran ng PhilHealth ang gastos nito.
Ang isang pasyente ng COVID-19 ay umaabot sa daang libo hanggang milyon depende sa lakas ng panlaban ng katawan nito.
Kailangan daw ng full disclosure ng pasyente na makatutulong din upang matukoy ang mga tao na posibleng nahawahan nito.