Monday, April 06, 2020

Speaker Cayetano sa DSWD: Madaliing isaayos ang listahan para sa emergency cash assistance program ng gobyerno

Hinimok ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na madaliin na ang pagsasa-ayos ng listahan para sa social amelioration program ng gobyerno o pamamahagi ng cash assistance bunsod ng COVID 19 pandemic.

Sinabi ni Cayetano na hindi siya kumbinsido na 54.71 percent lamang o 1,788,604 na mga pamilya sa Metro Manila ang makikinabang sa social amelioration program sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Ayon sa kanya, nasa P106,906,055 ang kabuuang halagang ilalabas ng pamahalaan para sa unang tranche ng social amelioration program para sa nasa 18 million na mahihirap na pamilyang Pilipino.

Paliwanag pa ng lider ng Kamara, sa naturang halaga, mahigit P14 million ang hahatiin sa tig-P8,000 na siya namang ipapamahagi sa mga natukoy na mahihirap na pamilya sa National Capital Region (NCR).

Dahil dito ay pinatitiyak ni Cayetano sa DWSD ang pagkakaroon ng maayos na listahan upang malaman ang totoong bilang ng kung sino ang mga dapat mabigyan ng naturang emergency cash subsidy.