Wednesday, April 01, 2020

Malinaw na mensahe hinggil sa COVID-19 para maiwasan ang kalituhan, hiling ni Speaker Cayetano sa AITF

Para maiwasan ang kalituhan at maling interpretasyon ng mga mamamayan hinggil sa mga isyu sa COVID-19, hiniling ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na maglabas ng malinaw na mga mensahe kapag nakikipag-usap at nagpapakalat ng mga mahahalagang impormasyon.
Sinabi ng Speaker na ito ay upang maiwasan ang kalituhan at mga maling interpretasyon sa parte ng mga mamamayan.
Binanggit ni Cayetano ang magkaibang pahayag nina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa isyu kung palalawigin pa o hindi ang Luzon-wide enhanced community quarantine.
Bagamat naiintidihan ni Cayetano na nais lamang ipahayag ng dalawang kalihim ang kanilang opinyon, ang isa ay sa law enforcement at ang isa ay sa health concern subalit dapat pa rin aniyang pinagkasunduan ito ng buong miyembro ng IATF. 
Samantala, nanawagan din si Cayetano sa DOH na klaruhin ang kanilang public health strategy pati na ang logistical distribution plan upang matulungang makaya ng mga public at private hospitals ang paggagamot sa mga pasyente ng COVID-19.
Sa pagsasabatas ng “Bayanihan to Heal as One Act.” kailangan aniyang malinaw ang public health strategy dahil malinaw din naman sa publiko ang habilin ng gobyerno na manatili sila sa kani-kanilang mga tahanan.