Maaaring magkaroon ng krisis sa presyo ng bigas sa susunod na mga linggo bunga ng tagtuyot na patuloy ding nananalasa sa mga bansa ng Thailand at Vietnam, kung saan umiimporta nito ang Pilipinas.
Ito ang babala ni House Ways and Means chairman Albay 2nd District Rep Joey Sarte Salceda na siya namang co-chairman din ng House Stimulus Cluster, ng kanyang sinabi na ang gayong krisis sa presyo ng bigas ay lalong magpapahirap sa bansa sa pagtugon nito sa nagaganap na COVID-19 pandemic dahil sa mga export ban na ginagawa ng ilang mga bansa sa mundo.
Dapat diumanong asahan ito ng Departments of Agriculture (DA) at Trade and Industry (DTI) upang magawa nila ang mga kaukulang hakbang laban dito.
Ayon kay Salceda, nabigla siya sa nadiskubre niya nang magsimula siyang mamigay ng relief kaugnay ng ‘enhanced community quarantine’ (ECQ), P1,250 lang ang isang sako ng bigas sa NFA (National Food Authority) at nang masagad ang imbentaryo nila ng NFA ay bumili siya sa ‘commercial rice outlets.’
Dito na raw niya nalaman na patuloy na umaakyat ang presyo nito at kamakailan ay umabot na sa P1,850.
Buong akala niya na may ‘price freeze’ daw sa bilihing ito.
Pinaalalahanan ni Salceda ang DA at DTI na ang pagsasamantala ng ‘rice cartels’ sa kasalukuyang ‘emergency’ ay tiyak na hahadlang sa mga pagsisikap ng gobyerno na maibsan ang kahirapang dulot ng ECQ.