Nais ni Surigao del Norte 2nd district Rep Robert Ace Barbers na ang lahat na mga sasakyang nangangahas na suwayin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay dapat ganap na inspeksiyunin ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga checkpoint para sa mga iligal na droga
Sinabi ni Barbers na kanyang naobserbahan noong nakaraang mga araw na maraming mga motorista ang lumalabas sa kabila ng estriktong kautusan ng pamahalaan na travel restriction upang mahadlangan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa nakita daw niya, ipina-flagdown lamang ng mga PNP personnel sa checkpoint at ini-isyuhan ng traffic citation tickets ang mga violator sa quarantine travel at hindi na sila gumagawa ng ganap o thorough search sa mga driver at sasakyan.
Sinabi ni Barbers na siya namang namumuno ng House Committee on Dangerous Drugs, na maaari na umanong i-thoroughly check ang mga quarantine violators para sa illegal drugs at iba pang mga kontrabando dahil nakalabag na sila sa batas batay sa Republic Act (RA) No. 11469, Bayanihan to Heal as One Act kaya puwede na silang arestuhin.
Ayon sa Mindanao lawmaker, nakatanggap siya ng mga report na ang mga drug trafficker ay nananamantala magpuslit ng iligal na droga dahil sa pagpapatupad ng ECQ sapagkat may malaking shortage diumano ng illegal drugs sa Kamaynilahan.