Tuesday, April 14, 2020

Employers, oobligahing gawin nang electronic payroll ang pasahod sa mga empleyado

Pina-oobliga ng ACT-CIS partylist group ang mga employers na gawin nang electronic payroll ang paraan ng pagpapasahod sa lahat ng mga empleyado sa buong bansa.
Sinabi ni ACT-CIS Partylist Rep Jocelyn Tulfo na sa harap ng ipinatutupad na lockdown dahil sa COVID-19 ay nakita na malaki sanang tulong kung ang lahat ay may payroll ATM account kung saan naging madali sana ang pamamahagi ng tulong pinansyal ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Isa sa mga problema umano ito na dapat agad na natugunan para hindi na maging problema muli sa hinaharap.
Ayon kay Tulfo, karamihan daw sa mga employers na nag-avail ng one-time aid relief na P5,000 sa DOLE ay wala palang electronic payroll system kaya’t hindi rin maibigay agad sa mga manggagawa ang ayuda mula sa pamahalaan.
Aniya, ang pinaka-basic na labor standards para sa compensation at benefits na dapat sinusunod ng lahat ng mga kumpanya ay ang pagkakaroon ng ATM payroll subalit nakalulungkot daw na marami pa rin ang wala nito.
Idinagdag pa ng mambabatas na dapat mahigpit nang maipatupad ang probisyon ng pagkakaroon ng minimum standard sa electronic payroll at dapat tiyakin ng DOLE na masusunod ang probisyong pagkakaroon ng electronic payroll para sa lahat ng empleyado ng pribadong sektor ito man ay regular, probationary, contractual, contractors, subcontracted, at casual.