Wednesday, April 29, 2020

Dayuhang nag-viral habang tumatangging arestuhin ay isang overstaying na turista lamang, ayon pa sa isang mambabatas

Ipinahayag ni 1-PACMAN Rep Enrico “Eric” Pineda na kaniyang napag-alaman sa Bureau of Immigration (BI) na si Javier Parra Salvador ng DasmariƱas Village, ang dayuhang nag-viral habang tumatangging arestuhin, ay nagtataglay lamang ng isang tourist visa at hindi residente ng Pilipinas.
Sinabi ni Congressman Pineda na maaari umanong isang overstaying na turista si Mr. Parra at noong kanyang sinabi sa video release sa social media na siya ay may 80 empleyadong Filipino, ito ay malinaw na paglabag sa kondisyon ng kanyang tourist visa, hindi siya popuwedeng magpatakbo ng anumang uri ng negosyo dito sa ating bansa.
Kamakailan lamang ay ipinahayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang  temporary suspension ng lahat ng dayuhan gayundin din ang mga visa-free privileges ng lahat ng dayuhan.
Ang lahat ng dayuhan ay binigyan ng pagkakataon ng pamahalaan na makabalik sa kani-kanilang bansa kasunod ng ipinatupad na lockdown.
Naghahanda na sa kasalukuyan ang Makati police upang masampahan ng kaso si Parra na lumabag sa pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ).