Hinimok ni Ako Bicol partylist Rep Alfredo Garbin ang National Food Authority o NFA na bilihin sa mas mataas na presyo ang palay ng mga local farmers, gaya sa alok ng mga private rice traders upang makagaan sa pasanin ang mga magsasaka sa gitna na rin ng corona virus disease 19 o COVID-19.
Sinabi ni Garbin na matapos bilhin ng NFA ang kanilang aning palay, maaring ipagbili ito sa publiko sa mas mababa namang halaga batay na rin sa prevailing market prices ng commercial rice.
Aniya, sa ganitong paraang pagbili sa mas mataas na presyo at ibenta sa mas mababang halaga makakatulong ang NFA sa mga magsasaka, consumers, at sa local governments na humahanap ng abot-kayang presyo ng bigas para sa relief goods ng mga mahihirap sa kanilang nasasakupang lugar.
Dagdag pa ng mambabatas, maari umano itong ituring na isang consumer subsidy na umaayon sa Bayanihan to heal as one Act at sa safety net provisions ng TRAIN Law.