Ang pagpapatupad ng work from home sa mga opisina at pagbabago ng school calendar ay inirekomenda ng isang mambabatas para maagapan ang pagkalat ng COVID 19 sa Metro Manila.
Hinimok ni House minority Leader at Manila 6th Rep Benny Abante ang gobyerno na magpatupad ng mga dagliang solusyon para mapigilan ang paglaganap ng 2019 Corona Virus Disease o COVID19 sa Metro Manila.
Kabilang sa mga hakbang pinakokonsidera ni Abante sa pamahalaan ay ang pagbabago ng school calendar upang maagang makapagbakasyon ang mga estudyante ngayong summer break.
Bukod dito ay ihinirit din ng kongresista na pag-aralan ang work from home para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno at mga pribadong opisina.
Giit pa ni Abante mahigit 12.8 milyon ang populasyon sa Metro Manila at mayruong 21,000 na mga residente ang nagsisiksikan sa kada square kilometer.
Bukod dito ay binigyang-diin ng kongresista na base sa pahayag ng World Health Organization (WHO), ang overcrowding ay isa sa mga pangunahing dahilan ng mabilis na pagkalat ng sakit lalo na ang respiratory infections na kadalasang sanhi ng viruses tulad ng COVID19.