Bagamat naka-self quarantine ay tiniyak ni Davao City Rep Isidro Ungab na tuloy pa rin ang kanyang trabaho sa pamamagitan ng electronic communication.
Sinabi ni Ungab na ang self-quarantine ay ang pinaka-responsable at dapat na gawin ng isang indibidwal upang mapigilan ang pagkalat ng virus sakali mang nahawahan sila o naging carrier ng sakit.
Si Ungab ay sumasailalim ngayon sa 14 day self-quarantine period matapos naman itong magkaroon ng close contact kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa Senado kamakailan.
Una rito ay boluntaryong sumalang sa self quarantine si Mayor Sara matapos magkaroon ito ng exposure sa ilang Senador na nakasalumuha ang isang resource person na nagpositibo sa COVID-19.
Si Ungab ay ang kauna-unahang kongresista na nag-anunsiyo na magpaself-quarantine bilang pag-iwas sa lalo pang pagkalat ng COVID-19.