Nanawagan si House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga opisyal sa bansa na isantabi muna ang pulitika at sa halip ay magkaisa ang lahat para labanan ang COVID-19.
Sinabi ni Cayetano na para mapagtagumpayan ang labang ito kontra COVID-19 ay dapat isantabi muna ng lahat na mga opisyal ang pulitika at sa halip ay magtulungan bilang nagkakaisang bansa.
Kaugnay dito, umapila din ang lider ng Kamara sa publiko na bigyan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng pagkakataon na mas mapabilis ang pagpapatupad ng mga agarang solusyon ngayong humaharap ang bansa sa emergency crisis.
Naniniwala si Cayetano na sa pamamagitan ng ipinasang “Bayanihan to Heal as One Act” ng Kongreso ay mabibigyan nito ang gobyerno ng mga kinakailangang resources at mekanismo para tugunan ang kinakaharap na emergency health crisis sa bansa at maibsan ang epekto ng community quarantine lalo na sa mga mangagawa.
Matatandaan na sa ginawang botohan sa kamara noong lunes para naturang bill ay 284 ang pumabor dito habang 9 lamang ang tumutol.