Friday, March 13, 2020

Skeletal work force sa Kongreso ay magsisimula na sa Lunes

Magpapatupad ng skeletal work force ang Mababang Kapulungan ng Kongreso simula sa Lunes hanggang magbukas muli o mag-resume ang sesyon ng Kongreso sa ika-4 ng Mayo.

Ayon kay House Secretary General Jose Luis Montales, magpapalitan ang mga empleyado ng tig aapat na araw, Lunes hanggang Huwebes at sarado naman sa publiko ang araw ng Biyernes hanggang Linggo.

Bahagi pa rin aniya ito sa prayoridad ng Kamara na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isang mambabatas at mga empleyado.

Binigyan-diin din ni Montales na nanatiling Corona Virus Disease 2019 o COVID-19 free ang buong Kongreso. Wala aniyang naitalang kompirmadong kaso ng covid 19 kahit pa Persons Under Investigation (PUI), o Persons Under Monitoring (PUM).

Bilang bahagi pa rin ng hakbang upang maprotektahan ang buong Kongreso laban sa covid 19, isasailalim ito sa isang masusing paglilinis at disinfection ngayong araw ng Biyernes hanggang Linggo.