Nagbabala si Speaker Alan Peter Cayetano na kanyang kakasuhan si Oriental Mindoro Rep Doy Leachon kung hindi nito mapapatunayan ang sinasabing budget insertion matapos ang bicameral conference ng Kamara at Senado kaugnay sa 2020 national budget.
Binigyang-diin ni Cayetano na iligal na gagawin yun kaya ito binito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa katunayan, sinabi ni Cayetano na may mga malapit sa kanya na malaki ang nabawas sa kanilang budget at may mga malapit din naman kay Marinduque Rep Lord Allan Velasco na malaki ang nadagdag na budget.
Binanggit din ni Cayetano na walang katotohanan ang bintang ng kampo ni Velasco na pinade-deklara niyang all seats vacant ang mga posisyon sa Kamara upang hindi na siya umalis sa pwesto bilang speaker.
Sa inilabas na pahayag ng Office of the Speaker, sinabi ni Cayetano na malaking kabaliwan ang ganoong panukala na ideklara niyang bakantihin ang lahat ng posisyon sa Kamara. Mayroon aniya siyang pangalang iniingatan at ayaw din niyang maging sinungaling sa lahat.
Sinabi pa ni Cayetano na hindi siya ang may problema sa term sharing agreement kundi si Velasco. Mananatili aniya siyang committed kung anuman ang sasabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte.