Wednesday, March 04, 2020

Panukalang itaas sa P1M ang cash incentive para sa mga centenarian umarangkada na sa Kamara

Umarangkada na sa ng House Special Committee on Senior Citizens ang pagtalakay ng panukalang itaas sa 1 Milyong piso ang ibibigay na cash incentives para mga centenarian o mga senior citizens na umaabot sa edad na 100.

Batay sa HB01107 na inihain ni Buhay Partylist Rep Lito Atienza, mula sa kasalukuyang isang daan libong piso ay itataas sa 1 million piso na ang magiging cash gift para sa mga cetennarian sa buong bansa.

Bukod dito ay isinusulong din sa komite na magkaloob ang gobyerno ng isang milyong piso sa bawat susunod na taon pagkatapos ng kanilang ika-100 taon.

Sa ngayon ay mayroon pang 19 na mga panukalang batas na nag-aamyenda sa RA No. 10868 o ang Centenarians Act of 2016 na pinamamadaling mapa-aprubahan upang madagdagan ang benepisyo at pribilehiyo ng mga Pilipinong centenarian.

Layon ng mga hakbang na mabigyan ng sapat na pondo ang pamilya ng mga nakakatatanda para patuloy silang maalagaan at maibigay sa kanila ang kanilang mga pangangailangan.

Kung sakaling maging ganap na batas panukala ay pangangasiwaan naman ito ng National Commission of Senior Citizens kung saan sila ang mamamahagi ng malalaking cash gifts para sa mga nakatatanda.