Nakiusap si Iligan City Rep Frederick Siao sa Department of Education (DEPED) at sa Commission on Higher Education (CHED) na kanselahin muna ang mga nakatakdang pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan sa susunod na school year.
Ayon kay Siao, makakatulong ito kung hindi muna papayagan ng mga eskwelahan at unibersidad sa bansa ang anumang pagtataas sa school fees.
Nababahala ito na maraming estudyante ang magda-drop out sa paaralan sa susunod na taon dahil sa epekto ng COVID-19 sa maraming kabuhayan.
Sinabi din ng mambabatas na tiyak na maraming pamilya ang mahihirapang maghanap ng perang panggastos hindi lang sa enrollment kundi sa iba pang bayarin na naipon sa loob ng isang buwang enhanced community quarantine.
Bukas naman ang kongresista na suportahan ang supplemental budget para sa education vouchers ng mga estudyante mula Kinder hanggang kolehiyo sa public at private schools pero kailangan lamang na magprisinta ang DepEd, CHED, at DBM ng kanilang proposal sa Kongreso.