Tuesday, March 03, 2020

Pagsunod sa wage at labor standards sa mga security agency, pinabubusisi ng isang kongresista

May pangangailangan na umanong marepaso ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang kalagayan sa paggawa ng mga guwardiya sa bansa.

Kasunod ito ng panghohostage ng isang dating security guard sa Virra Mall sa San Juan City.

Ayon kay ACT CIS partylist Rep Jocelyn Tulfo, ang hostage incident ay dapat magsilbing eye opener para mapabuti ang pagtrato at bigyan ng dignidad ang mga guwardiya sa bansa.

Bagamat karaniwang mga makapangyarihang indibidwal ang may-ari ng security agencies sa bansa, iginiit ni Tulfo na makatwiran pa ring ipursige ang pagsusuri sa working conditions at pagsunod sa labor standards ng mga security agency na nasa ilalim ng regulasyon ng PNP Supervisory Office on Security and Investigation Agencies (SOSIA).

Bagamat hindi nito kinukunsinti ang ginawa ng guwardiyang si Archie Paray, sinabi ng kongresista na kailangan ding unawain ang pinagdaanan nito at ng kanyang pamilya.

Hinimok din ng mambabatas ang DSWD na agad na magbigay ng ayuda sa pamilya ni Paray at magsagawa ng counselling ang DOH sa lahat ng biktima ng pangho-hostage.