Ibinuyag ni Oriental Mindoro Rep Doy Leachon ang P6 Billion pork barrel insertions sa 2020 budget kabilang na dito ang P750 Million para sa convention center sa Pili, Camarines Sur kung saan gobernador ang anak ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep Luis "LRay" Villafuerte na si Migs Villafuerte.
Naniniwala si Leachon na pagbuwelta ng liderato ng Kamara ang ginawang pagkakatalsik sa kanya bilang chairman ng contingent sa House of Representatives Electoral Tribunal o HRET matapos nitong isiwalat ang nasabing budget insertion.
Si Davao City Rep Isidro Ungab naman ang itinuturong nag-report kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Department of Budget and Management (DBM) ng bilyong pisong parking funds sa 2020 national budget para sa mga mambabatas na malapit umano kay Cayetano dahilan kaya hinarang ang proyekto ng mga ito sa distrito.
Sinabi ni Ungab na tinanggap ng maluwag sa kanyang kalooban ang ginawang pagpapatalsik sa kanya subalit naging malinis ang kanyang konsensya at ginawa lamang niya ang kanyang trabaho.
Sa huli, sinabi ng mambabatas na mananaig ang katotohanan sa likod ng mga nangyayaring kaguluhan sa Speakership.
Kamakalawa, tinanggal bilang Chairman ng makapangyarihang House appropriations committee si Ungab na pinalitan ni ACT-CIS Rep Eric Yap, habang inalis naman si Leachon bilang head contingent ng HReT at ipinalit si Kabayan party list Rep Ron Salo.