Tuesday, March 24, 2020

Mga UV express van, puwedeng gamitin ng pamahalaan para sa mga health care frontliners

Iminungkahi ni Ang Probinsyano Partylist Rep Ronnie Ong sa gobyerno na gamitin ang mga UV Express vans bilang transportasyon para sa mga health care frontliners habang naka-sailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon.

Sinabi ni Ong na kung magtatagal pa ang pinaiiral na lockdown sa Metro Manila at mga karatig-probinsya ay maari aniyang i-tap ng pamahalaan ang mga UV express na magbigay ng libreng sakay para sa mga health care workers na naka deploy sa East Avenue Medical Center, National Kidney Transplant Institute (NKTI) at Philippine Children's Medical Center (PCMC) para labanan ang kumakalat na COVID-19 virus.

Ayon pa sa mambabatas, bukod sa mapapadali ng hakbang na ito ang pagbiyahe ng mga doktor at mga medical staff sa kanilang trabaho sa gitna ng kawalan ng public transport ay makapagbibigay din aniya ito ng kabuhayan sa daan-daang UV Express drivers na paralisado ang hanapbuhay bunsod ng lockdown.

Idinagdag pa ni Ong na mayroon narin aniya siyang mga nakausap mga driver na interasadong makiisa sa nasabing inisyatibo umpisa ngayong araw hanggang sa Abril a12 bagay, na suportado rin aniya ng iba pang mga government official.

Para masiguro aniya ang kaligtasan ng mga UV express driver, handa naman daw siya mag-provide sa kanila ng mga full personal protective equipment (PPE), alcohol, Vitamins at vehicle sanitization sa tuwing babyahe ang mga ito.