Thursday, March 19, 2020

Maisasalba ng ECQ ang Pinoy at ang ekonoliya nito, giit ni Salceda

Pinahayag ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na maisasalba ng enhanced community quarantine (ECQ) ang buhay ng mga Pilipino at ang ekonomiya ng bansa.

Paliwanag ni Salceda, inaral na ng kanyang tanggapan na pagdating sa ekonomiya ay tinatayang nasa 2.95% lamang ang ibababa sa ating gross domestic products (GDP).

Ayon sa kanya, kung wala umanong ipinapatupad na lockdown ang gobyerno ay tiyak na 4.13% ang ibabagsak ng ating GDP.

Maliban dito, tinatayang aabot sa 1,565 na buhay ang maililigtas sa enhanced community quarantine.

Kung hanggang sa pagbabalik naman ng sesyon sa May 4, aabot sa 26,500 na katao ang makakaiwas sa impeksiyon.

Tinawag ni Salceda na game-changing at life-saving ang ginawang desisyon ni Pangulong Duterte laban sa COVID-19 dahil libu-libong buhay at pamilya ang maililigtas laban sa sakit.

Nauna rito ay isinulong ni Salceda ang P199 Billion package para ayudahan ang mga pamilyang Pilipino na maaapektuhan ng coronavirus o ang Families First Coronavirus Response Bill.

Si Salceda na unang nanawagan ng total lockdown ay hinimok din ang publiko na sumunod sa rekomendasyon dahil sa mga susunod na araw ay mapaikli o ma-relax ang kautusan bunsod na rin ng ipinapatupad na ibayong pag-iingat.