Monday, March 09, 2020

Isang linggong lackdown sa NCR, inirekomenda ni Salceda kaugnay sa COVID-19

Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang isang linggong pagsasara o lockdown sa buong National Capital Region (NCR) upang makontrol at hindi na kumalat pa ang COVID-19 matapos na maitala ang local transmission ng sakit. 

Ayon kay Salceda, hindi dapat isantabi ang lockdown sa NCR dahil sa COVID-19 dahil ganito rin ang ginawa ng mga bansang mauunlad tulad ng South Korea at Japan. 

Paliwanag ni Salceda, ang lockdown na ipapatupad ay pagpapasasara ng NLEX at SLEX gayundin ang mga railways at domestic flights upang mapigilan na kumalat ang virus sa ibang bahagi pa ng bansa. 

Bukod dito, pinapakansela din ang klase sa mga paaralan at pasok sa mga trabaho. 

Paglilinaw naman ni Salceda, isang linggo lang naman gagawin ang pagsasara sa NCR upang ma-contain ang sakit at madisinfect ang lahat ng mga lungsod sa Metro Manila. 

Mas makakabuti aniya ang one week-lockdown sa NCR dahil mas malaki ang mawawala sa kita ng bansa kapag hindi ito ginawa. 

Kung isasagawa ang isang linggong lockdown, .8% lamang o P100 Billion sa GDP ang mawawala kumpara naman sa 1.5% GDP o P218.5 Billion kung hindi ito ipapatupad.