Thursday, March 19, 2020

DOLE, dapat maglatag ng adjustment measure program kahit tapos na an ECQ sa April 14

Hinimok ni TUCP Partylist Rep Raymond Mendoza ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglatag ng adjustment measure program para sa COVID-19 kahit pa tapos na ang enhanced community quarantine sa April 14.

Ipinanukala nito sa DOLE na maglatag ng Labor Employment Assistance Program (LEAP) upang mabigyan ng subsidiya ang mga minimum wage earners.

Isinusulong ng TUCP na mabigyan ng P500 na arawang subsidiya ng pamahalaan ang mga GSIS at SSS minimum wage earners kahit lagpas na sa ipinapatupad na lockdown.

Ayon sa kanya, ang subsidiya ay pwedeng vouchers na maaaring ipamalit ng pagkain sa mga piling groceries at food caravans.

Hiniling din nito sa DTI na magsagawa ng Diskwento Caravan para sa distribusyon ng mga basic goods, vitamins, health kits at iba para sa mga manggagawa sa bawat komunidad.

Dagdag pa nito na dapat na makipagugnayan ang pamahalaan sa Employers' Confederation of the Philippines, Joint Foreign Chambers of Commerce, Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, at sa iba pang business chambers upang matiyak na hindi magreresulta sa pagsasara ng mga kumpanya at pagkawala ng trabaho ang pagtatapos ng ECQ.