Tuesday, March 10, 2020

DOH: may iba pang pagkukunan ng pondo para sa kinakailangang supplemental budget para sa COVID-19

Tiniyak ng Department of Health o (DOH) na may iba pa silang pagkukunan ng karagdagang pondo para sa kinakailangang 3.1 Billion pesos na supplemental budget para sa Corona Virus Disease o COVID-19. 

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kanina , sinabi ni DOH Usec Roger Tong-an na maari silang kumuha ng karagdagang pondo mula sa PAGCOR, savings ng DOH, PCSO at Quick Response Fund para mapunan ang kakulangan.

Una rito ay sinabi ng National Treasury na aabot lamang sa P1.654 Billion ang excessive o available funds na maaaring ilaan ng kanilang tanggapan para sa corona virus.

Sa ngayon ay hindi pa matiyak ng National Treasury kung kailan makukumpleto ang kailangang pondo pero sinabi ng opisyal nito sa ngayon ay minamadali na ng kanilang tanggapan ang pagrerelease ng dividends mula sa mga government corporation na maaaring hugutan ng karagdagang pondo.

Sa kabila nito ay siniguro ni Health Secretary Francisco Duque III na handa sila laban sa virus at sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno hanggang sa barangay level.