Umapela si Quezon City Rep Alfred Vargas sa gobyerno na gamitin ang calamity fund sa ilalim ng 2021 Internal Revenue Allotment (IRA) para matugunan ang mga pangangailangan ng bawat local government units sa kinakaharap na problema sa COVID-19.
Paliwanag ni Vargas, ang advanced na paggamit ng IRA na nakatakda sana para sa susunod na taon ay minsan nang ginawa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa ilalim ng Executive Order 494 at Executive Order 723 kung saan ginamit ang IRA para sa iba’t ibang priority projects.
Sinabi ni Vargas na kung magagamit ang bahagi ng pondo ng IRA sa 2021 ay makakatulong ito sa mga LGUs para matugunan ang kanilang pangangailangang medikal para ma-contain ang virus, gamutan para sa mga pasyenteng magpopositibo sa sakit gayundin ang karagdagang basic social services.
Bukod dito, nasa ilalim din ng “state of calamity” ang buong bansa dahil sa COVID-19 kung saan nagdulot na ito ng malawak na pinsala sa kabuhayan at normal na pamumuhay ng mga tao.
Maaari aniyang gamitin ng mga LGUs ang 5% ng calamity fund sa IRA matapos ang deklarasyon ng “state of calamity” batay na rin sa Section 21 ng Republic Act 10121 na lumilikha sa National Disaster Risk Reduction Management (NDRRMC).
Binigyang diin ng mambabatas na malaking suporta para sa mga LGUs kung may dagdag na pondo mula sa pamahalaan upang mailatag nila ng husto ang mga hakbang para mapuksa ang coronavirus.