Thursday, February 13, 2020

Wala silang natanggap na mandô galing sa Malakanyang hinggil sa ABS-CBN franchise, paglilinaw Rep Albano

Nilinaw ni House Committee on Legislative Franchises Vice Chairman at Isabela Rep Antonio “Tonypet” Albano na walang ibinibigay na marching order sa kanila si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isyu ng ABSCBN franchise renewal.

Sinabi ni Albano na hindi tumawag kahit minsan at hindi rin nakialam si Pangulong Duterte sa trabaho ng Kamara.

Ayon sa kongresista, pinaha-halagahan at nire-respeto ng Punong Ehekutibo ang separation of powers principle ng bawat sangay ng pamahalaan.

Pinaha-halagahan aniya ng Pangulo ang karapatan sa kalayaan sa pamamahayag at siya rin ay naniniwalang absolute ito.

Ngunit, dagdag pa niya, na kung ang karapatan sa pamamahayag ay gagamitin sa fake news at paninira, nagiging libelous ito at maaaring manghimasok na dito ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbawi sa prangkisa para maprotektahan ang mga Pilipino sa misinformation at pang-aabuso.

Malinaw din aniya sa pagkuha ng franchise na ibinibigay ng gobyerno na hindi babaliin ng media network ang batas at hindi ito gagamitin sa pamumulitika.