Isiniwalat ni Tourism Congress President Jose Clemente III sa isang committe hearing sa Kamara de Representantes na marami na ang nagkansela ng kanilang hotel bookings sa iba’t ibang tourism destination sa bansa dahil sa entry ban ng pamahalaan sa mga turista mula China, Hongkong, Macau, at Taiwan dahil sa banta ng COVID-19.
Pinakamatinding naapektuhan aniya ay ang Boracay na mayroong 40 hanggang 60 percent hotel booking cancellations.
Pumapangalawa rito ang Bohol, na isa sa mga lugar na binisita ng ikalawang confirmed case ng COVID-19 sa bansa na mayroong 40 hanggang 50 percent na kanselasyon din sa mga hotel accommodations.
Dagdag pa ni Clemente, ang mga hotel naman sa Cebu, ay lugi na ng P100 million bunsod naman ng travel ban sa China, Hong Kong, Macau at Taiwan.
Sa kanya ring pagtataya, aabot sa 5.7 million manggagawa sa tourism industry ang maapektuhan ng krisis na ito.