Bumuo ng isang Technical Working Group (TWG) ang House Special Committee on Senior Citizens para pag-isahain ang 23 panukalang batas na layong taasan ang social pension ng mga seniors sa buong bansa.
Ayon sa Chairman ng special committee na si Senior Citizens Partylist Rep. Francisco "Jun" Datol, magsasagawa ng konsultasyon ang TWG sa lahat ng mga stakeholders para mataasan sa lalong madaling panahon ang pensyon ng mga qualified elderly.
Si Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang hahawak sa TWG sa pag-asang mabuo ang consolidated bill sa natitirang 12 session days bago ang holy week break ng kongreso sa susunod na buwan.
"That's why the inputs from the implementing agencies are important and why we also have to consult experts and leaders of seniors' groups. The TWG and committee have to check and countercheck the numbers and underlying data," wika ni Datol.
Samantala, umaasa naman si Datol na sisipot na sa susunod nilang committee hearing ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para masagot ang lahat ng reklamo hinggil sa mabagal na issuance ng pensyon.
"DSWD and some other agencies were unable to send ranking officials to today's hearing. We hope they will show up in the next hearings and TWG consultations," ani Datol.
Matatandaan na kinuwestyon sa kamara ang mabagal na pagbibigay ng DSWD sa pensyon ng mga senior citizens na may P23 Billion na pondo noong 2019 para sa mahigit 3 milyong indigent seniors sa buong bansa.