Hinimok ni MAGSASAA Partylist Rep Argel Cabatbat ang mga pribadong kompanya at indibidwal na bumili ng mga gulay direkta sa mga magsasaka at farmers organization bilang bahagi ng kanilang Corporate Social Responsibility o CSR.
Ayon kay Cabatbat, bagamat sinusubukan ng maraming pamahalaan na ayusin ang sitwasyon at tanggalin ang mapagsamantalang sistema ng presyuhan at kitaan sa pagsasaka, malaki ang pangangailangan para sa mga pribadong indibidwal at kumpanya na direktang tulungan ang mga magsasaka.
Nitong nakaraang mga araw, lumabas ang balita ng pagdausdos ng presyo ng mga gulay sa mga trading posts sa bansa.
Aniya, bumagsak ng apat hanggang pitong piso ang presyo ng mga produkto gaya ng repolyo kada kilo.
Dagdag pa ng mambabatas ang paggawa ng programa na nagtutulay sa magsasaka at mga pamilyang Pilipino, at pagtulong upang magkaroon ng plataporma ang mga magsasaka na ipahayag ang mga tunay na pangyayari sa kanilang industriya ay ilan lamang sa mga inisyatibong maaaring gawin ng mga ordinaryong Pilipino.