Sinita ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang napipintong pag-dinig ng Senado sa prangkisa ng ABS-CBN sa susunod na linggo.
Sa ambush interview kay Cayetano sa Zambales, sinabi nito na malinaw na nakasaad sa saligang batas na sa mababang kapulungan dapat mag-mula ang franchise bills.
Dagdag pa nito, magsagawa man ng hearing ang senado ay wala naman silang tatalakaying prangkisa dahil wala pa namang naipapasa sa kamara.
Mas maigi aniya kung hihintayin na lamang ng mataas na kapulungan ang resulta ng kanilang pag-dinig dahil magkakaroon na sila ng mga record ng pahayag ng mga pabor at hindi pabor sa franchise renewal ng media network.
Muli ring binigyang diin ni Cayetano na hindi magkakaroon ng shutdown sa network oras na mapaso ang prangkisa nito sa March 30.
Aniya nakikipag-ugnayan na sila sa National Telecommunications Commission upang pahintulutan ang network na magpatuloy sa operasyon habang naka-binbin pa ang pagdinig ng kamara sa kanilang franchise renewal.
Mas malaki naman ang tyansa ayon kay Cayetano na pagkatapos na ng SONA madidinig ng kamara ang prangkisa ng ABS-CBN. Kahit aniya kasi dinggin nila ito ngayon at kahit pa sa kalagitnaan ng kanilang recess ay hindi naman ito maisasalang sa plenaryo.
Maikli lamang rin aiya ang session days nila sa pagbablik sesyon matapos ang Holy Week break habang mas mahaba-haba ang panahon pagkatapos ng SONA kung saan tatlong buwan halos ang kanilang sesyon.