Thursday, February 20, 2020

Nadiskubre sa Kamara na may pakaka-utang ang PSALM sa gobyerno

Natuklasan nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, chairman ng House committee on public accounts at Bulacan Rep. Jose Sy-Alvarado, chairman ng House committee on good government na umaabot sa P95 Billion ang utang ng mga malalaking negosyante sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation o PSALM sa pangunguna ng South Premier Power Corporation (SPPC) at Manila Electric Company.

Ito ay nadiskubre kahapon sa pinagsanib na pagdinig ng dalawang nabanggit na komite sa Kamara de Representantes.

Ang SPPC ay pag-aari ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang ay may atraso umano sa PSALM na aabot sa P23.9 Billion habang P14.9 Billion naman ang utang ng Meralco na pag-aari naman ni Manny Pangilinan.

Sinabi ni Defensor na kung nagalit si Pangulong Duterte sa mga water concessionaires sa P11 Billion, dito pa kaya na P95 Billion na ayaw bayaran ng mga private companies at tiyak na sasabog aniya si Pangulo sa galit dito.

Nabatid sa nasabing pagdinig na bumili ng asset ng National Power Corporation (Napocor) ang mga pribadong kumpanya subalit nang maningil na ang PSALM sa mga ito ay tumakbo sila sa Korte Suprema.

Hindi umano makasingil ang PSALM na siyang nangangasiwa ngayon sa mga assets ng Napocor na isinapribado dahil sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Dahil dito, sinabi ni Defensor na ipapatawag ang mga nabanggit na kumpanya sa susunod na pagdinig at kailangang masingil umano ang mga ito.

Tulad ni Defensor, naniniwala si Alvarado na tiyak na ikagagalit ni Duterte ang isyung ito dahil walang ibang pinahihirapan ng mga kumpanyang ito kundi ang mga tax payers.