Ipinanukala sa Kamara ang pag-oobliga sa lahat ng public utility vehicles sa bansa na maglagay ng dashboard camera, CCTV at global positioning system (GPS) bago mapayagan na magserbisyo sa publiko.
Sa gitna ito ng pagdami ng mga aksidente at krimen na nangyayari o kinasasangkutan ng mga pampublikong sasakyan.
Itinutulak sa House Bill 3341 na kailangang mainstall sa PUV ang security devices sa loob ng isang taon at kung hindi makasusunod ay maaaring mapagmulta sa bawat paglabag at posibleng makansela ang lisensya at rehistro kung paulit-ulit ang paglabag.
Kahit ang paglalagay ng depektibong security devices, pagputol o pagbura sa footages gayundin ang hindi awtorisadong paggamit, paglalathala, pagbebenta at pagbili ng video footages at GPS information ay may katapat ding mas mabigat na parusa o multa.
Ang mga video footage ay mananatiling confidential at magagamit ng LTFRB o iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsisiyasat at pagtutugis ng mga may kasalanan sa batas.
Mayroon namang special loan program at scheme para matulungan ang mga operator at kumpanya na makabili ng kinakailangang security cameras at GPS.