Tuesday, February 18, 2020

MDRP EO na nilagdaan na para gawing sustainable ang UHC at upang mapababa ang presyo ng mga mamahaling gamot

Pinasalamatan ni Albay Rep Joey Salceda si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda nito ng isang executive order na magtatakda ng isang maximum drug retail price (MDRP) ng mga piling medisina.

Layunin ng executive order na mapababa ang presyo ng mga mamahaling gamot ng mahigit 56 percent.

Ayon kay Salceda higit itong pakikinabangan ng mga Filipino mula sa Cheaper Medicines Act at lubos na makatutulong sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC).

Aniya, baka mapunta lang sa mga pharmaceutical companies ang pondo ng UHC.

Sa ilalim ng Cheaper Medicines For All Act sa pagpapahusay ng Cheaper Medicines Law, pinalawak nito ang MDRP kasama ang medical supplies, at medically necessary assistive equipment gaya ng prosthetics na pakikinabangan ng maraming Filipino.

Sa ilalim ng Cheaper Medicines For All Act, makipagni-negotiate ang kalihim ng Department of Health sa mga suppliers upang mapababa ang presyo ng bibilhing gamot, medical supplies, at medically-necessary equipment.