Iminungkahi ng isang mambabatas ang paglalabas ng isang joint resolution na magpapatunay o kikilala sa pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN habang nakabinbin sa Kongreso ang mga aplikasyon para sa franchise renewal nito.
Kasunod ito ng panawagan ni Senator Grace Poe na dapat ay ilagay sa papel ang pronouncement ng mga kasamahan na maaari pa ring mag-operate ang ABS-CBN kahit mapaso na ang prangkisa nito basta’t ongoing pa ang18th Congress.
Sinabi ni AKO BICOL Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., sang-ayon na rin siya sa naging mga pahayag nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate President Vicente Sotto III at iba pang mga kasamahan sa Kongreso na hindi naman agad magsasara ang media network kahit mapaso ang prangkisa nito sa March 30 dahil nakapag-sumite naman ito ng application sa Kongreso.
Maigi aniya kung mailalagay ito sa isang pormal na kasulatan lalo’t hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong prangkisa na naabutan ng expiration habang nakabinbin ang aplikasyon sa kongreso.
Paraan din aniya ito upang mapawi ang pangamba ng mga empleyado ng media network na maaapektuhan sakaling tumigil nga sa operasyon ang kompanya.
Matitiyak rin nito sa publiko na hindi magkakaroon ng vacuum sa freedom of expression at press freedom dahil lamang sa expiration ng prangkisa ng media network.