Wednesday, February 12, 2020

Kapamilya Network, pinayuhan ng liderato ng Kamara na magmuni-muni

“Magmuni-muni kayo!”

Ito ang naging payo ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa broadcast corporation na ABS-CBN sa gitna ng pagkaka-antala ng kanilang franchise renewal na nakatakdang mapaso sa susunod na buwan.

Sa statement na inilibas ni Cayetano kahapon, sinabi nito na ngayon ang tamang panahon para sa Kapamilya Network na magmuni-muni at isipin kung bakit umabot sa puntong naghain ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General (OSG) para ipawalang-bisa ang kanilang prangkisa.

Ayon pa kay Cayetano, sa ilalim ng Administrasyong Duterte ay maging sila sa Kamara at sa iba pang mga government institution ay nagmumuni-muni upang alamin kung ano ang kanilang papel sa nation-building at kung ano ang kanilang mga kinakailangang reporma para mapaglingkuran nang maayos ang Diyos at ang sambayanang Pilipino.

Bagay na maaring gawin din aniya ng mga kawani ng media, partikular na ang ABS-CBN, lalu at kabilang din sa mga legislative agenda ng Pangulo sa Kamara ang pag-aralang mabuti ang prangkisa ng broadcast network dahil ito ay isa sa mga isyu na nakakaapekto sa bansa.

Kaugnay nito ay tiniyak naman ng Lider ng Kamara na magsasagawa sila ng patas na pagdinig hinggil sa isyu at sinegurong pakikinggan ang bawat panig, maging pabor o tutol sa pagpapalawig ng prangkisa ng ABS-CBN, bago ito pagpasyahan ng Kapulungan na bahagi ng kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas.