Friday, February 28, 2020

Isantabi muna ang usaping coup plot na umuugong sa Kamara, hiling ng isang solon

Hiniling ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep Jericho Nograles kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco na isantabi muna ang usaping coup plot na umuugong ngayon sa Kamara.

Sa halip, sinabi ni Nograles na magkamayan at ipakita nina Cayetano at Velasco sa publiko upang magkaroon ng katiyakan ang mga Filipino na nakatutok ang Kongreso sa pagpasa ng mga makabuluhang batas na makapagbibigay ng masaganang buhay.

Ayon pa kay Nograles walang saysay ang bantang pagpapatalsik kay Cayetano sa pwesto dahil ilang buwan na lamang ang nalalabi para opisyal na maupo si Velasco bilang House Speaker na bahagi ng term sharing agreement sa mungkahi na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kahapon aniya ng umaga, nag-release ng statement si Velasco na walang kudeta at wala itong balak na i-dishonor ang term-sharing agreement.

Dagdag pa ni Nograles, hindi rin sinusuportahan ng mga miyembro ng Kamara ang anumang pagkilos para sirain ang term-sharing agreement sa pagitan nina Speaker Cayetano at Velasco dahil lalabas na pagkontra ito sa posisyon ni Pangulong Duterte. 

Hindi rin aniya ganun kadaling makakuha ng numero sa Kamara para patalsikin ng isang speaker.