Tuesday, February 11, 2020

Isang ABS-CBN franchise author, iginiit na welcome development ang quo warranto petition

Iginiit ng isa sa mga Principal Authors ng ABS-CBN franchise bills sa Kamara na welcome development ang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General o OSG laban sa franchise ng nabanggit na network giant.

Sa halip na batikusin ang OSG tulad ng mga kasamahan niyang kongresista ay positibo ang naging tugon ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. sa quo warranto suit laban sa ABS- CBN.

Sinabi ni Gonzales na makakatulong aniya ito sa kanilang magiging desisyon sa pagtalakay ng franchise renewal ng tv network.

Dagdag pa ng mambabatas na isa rin sa mga principal author ng panukala para sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, higit na mapagbubuti ang proseso ng paggawa ng batas na magbubunsod sa isang prankisang umaayon sa ating Saligang Batas. 

Una nang nawagan ang ibang mambabatas sa SolGen na sundin na lamang ang legislative process kung saan tanging ang Kongreso lamang ang may hurisdiksyon sa pagbibigay, pagri-renew at pagka-kansela ng prangkisa.