Friday, February 28, 2020

House joint resolution sa ABS-CBN franchise ‘di na kailangan

Hindi na kailangan pang maghain ng House Joint Resolution (HJR) para ma-extend ang franchise ng ABS-CBN habang dinidinig ang panukalang pag-renew dito.

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na ang liham na ipinadala ng Mababang Kapulungan sa National Telecommunications Commission (NTC)  ay pinaka “straightforward” na hakbang para payagan ang ABS-CBN na mag-operate habang nakabinbin pa ang franchise renewal nito sa kongreso.

Paliwanag ni Cayetano, ang paghahain ng HJR ay maaari lamang magdulot ng mga isyu at problema.

Sa ngayon umano ay pinaka simple ang direktiba ng Kamara sa NTC, ito ay huwag munang isara ang giant network habang dinidinig pa nila ang renewal ng prangkisa nito.

Nakasaad sa liham ng Kamara sa NTC ang hiling na pagkalooban ng provisional authority to operate ang ABS-CBN epektibo sa May 4, 2020 hanggang magkaroon ng desisyon ang kongreso sa aplikasyon nito.

Hinamon naman ni Cayetano ang sinumang nais na magkuwestyon sa nasabing hakbang na kuwestyunin na lamang ito sa korte, subalit kung maaari naman kunin ito sa pakiusapan ay pabayaan na muna umano silang mag-hearing bago hamunin sa korte.