Ibalik ang implementasyon ng drug test sa mga aplikante ng lisensya sa pagmamaneho, giit ng isang kongresista
Sa gitna na rin ng sunud-sunod na aksidenteng kinasasangkutan ng mga drayber na hinihinalang gumagamit ng ilegal na droga, hinihimok ang Kamara na kumilos upang ibalik ang mandatory drug testing sa pagkuha ng driver's license.
Dismayado si Samar Rep Edgar Mary Sarmiento, chairman ng House Committee on Transportation, dahil inalis ng Land Transportation Office o LTO ang requirement sa aplikasyon na sumalang muna sa drug testing sa pagkuha ng lisensya.
Nais ng kongresista na ma-amiyendahan ang Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act upang ibalik ang mandatory drug testing.
Sa pinakahuling aksidente, isang Grade 8 student ang namatay habang may ilang iba pang sugatan nang ragasahin ng jeepney driver na nagpositibo sa ilegal na droga.
Dagdag pa ni Sarmiento, noong 2017, mayroong 31 ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente at karamihan sa mga ito ay kinasasangkutan ng drayber na kung hindi lasing ay nasa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga.