Naunsyami ang nakatakdang botohan sana ngayong araw ng House Committee on Constitutional Amendments sa panukalang amyendahan ang 1987 Constitution.
Ayon kay Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez, hindi natuloy ang naka set na botohan sa Charter Change o Cha Cha ngayong araw matapos na hilingin ng karamihan sa mga myembro ng komite at mga ex-officio members nito na himayin at talakayin pa muna ang bill dahil sa bagong proposal na mula sa Inter-Agency Task Force on Federalism (IATF).
Paliwanag pa ni Rodriguez sa ngayon ay malabo pa aniyang mapagbotohan ang panukala dahil maraming dapat busisiin dito at sa katunayan aniya ay nasa page 4 pa lamang sila sa mahigit na 20 pahina ng proposal mula sa gobyerno.
Giit ng mambabatas ayaw nilang madaliin ang pagapruba sa ChaCha upang maiwasan narin ang mga batikos tulad ng nangyari aniya noong Disyembre na inaprubahan nila ang panukala sa isang executive session.
Sa kabalia nito ay natalakay naman ng komite ang territory, anti-turncoatism, anti-dynasty, terms of office, regional election ng mga senators, at ang mandanas ruling o dagdag na share ng LGUs.
Sa ngayon ay blanko pa si Rodriguez kung kailan maaaprubahan ang chacha dahil nakadepende aniya ito sa takbo ng diskusyon sa komite.