Monday, January 13, 2020

Suspendido ang pasok sa Kamara; pagdinig sa repatriation ng OFWs sa Middle East, ililipat sa ibang araw

Bukod sa mga eskwelahan at opisinang pamahalaan sa Quezon City, kanselado rin ang pasok sa Kamara de Representates ngayong araw, January 13 dahil sa ashfall na epekto ng pag-alburuto ng Bulkang Taal.
Sa inilabas na statement ni House Speaker Alan Peter Cayetano, layon ng suspensyon na masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado alinsunod narin sa utos ng Malakanyang na suspindehin ang pasok sa mga opisina ng gobyerno ngayon para sa kaligtasan ng lahat.
Dahil dito ay ililipat na lamang sa ibang araw ang nakatakda sanang pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs ngayong araw kaugnay sa repatriation ng mga Pinoy workers sa Middle East at maging hinggil na rin sa kaso ng pinaslang na Pinay worker sa Kuwait na si Jeannilyn Villavende.
Sa kabila nito ay magpapatuloy naman ang operasyon sa Engineering Department at Security Bureau ng Mababang Kapulungan.