Iminungkahi ni House Minority Leader at Manila 6th District Rep Bienvenido Abante na pag-aralan ng Kongreso ang pagsuspendi sa pag-iisyu ng permit sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.
Sa pulong balitaan ng minority group ng Kamara de Representantes, sinabi ni Abante na maaring ikonsidera sa national level ang ipinataw na moratorium ng Makati City sa pag iisyu ng business permits sa POGO operators dahil na rin sa pagtaas ng kriminalidad, prostitusyon at iba pang uri ng illegal activities.
Sinabi ni Abante na dapat ipatupad ang moratorium sa national level sa mga bagong papasok sa POGO service providers.
Dapat aniyang gawin ito hindi lamang para maiwasan ang corona virus outbreak kundi magkaroon ng pag-aaral sa epekto ng POGO industry sa bansa.
Lalo na aniya ang lawak ng illegal activities resulta ng POGO firms na may negosyo sa Pilipinas.