Inilatag na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga prayoridad ng kamara para sa pagbububukas ng sesyon sa susunod na linggo.
Ani Cayetano, ipagpapatuloy nila sa mababang kapulungan ang pagtalakay sa Department of Overseas Filipino Workers Bill at Department of Water Bill na layong tugunan ang kinakaharap na problema ng mga filipino migrant workers at kakapusan ng suplay sa tubig.
Sa ngayon ay hindi pa naipapasa sa ikalawang pagbasa ang dalawang nabanggit na panukala kaya agad itong tatalakayin sa pagbabalik sesyon.
Samantala, prayoridad din ng kamara na talakayin at ipasa sa lalong madaling panahon ang apat na revenue bills kabilang na ang panukalang pagpapataw ng 5% na license fee sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs at pagpapataw ng income tax sa mga foriegn POGO workers.
Aniya, layon ng mga nabanggit na panukala na pondohan ang mga pangunahing programa ng pamahalaan tulad ng Universal Health Care Law.
Sa Enero a-biente ay balik sesyon na ang kamara matapos ang holiday break.