Wednesday, January 22, 2020

Mga kumpanyang pribado , dapat magpakita ng compassion sa mga empleyadong biktima ng pag-alburuto ng Bulkang Taal

Umapela si TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza sa mga pribadong kumpanya na magpakita ng compassion sa kanilang mga empleyado na biktima ng pagaalburuto ng Bulkang Taal.
Giit ni Mendoza na bigyan pa rin kahit ng emergency pay o sweldo ang mga empleyado na apektado ng kalamidad kahit hindi nakakapasok ang mga ito sa trabaho. 
Ayon kay Mendoza, sa gobyerno ay hindi problema ito dahil pinayagan ang mga kawani na apektado ng ashfall ng bulkan na mag "work from home". 
Pero sa kaso ng ibang kumpanya tulad ng Business Process Outsourcing o BPO ay "no work, no pay" kahit ano pa ang pinagdaraanang sakuna lalo na sa ganitong pagkakataon na malawak ang pinsala ng bulkan. 
Malinaw aniya na nakapaloob sa occupational safety at health hazard na maaaring tumanggi ang isang empleyado na pumasok sa trabaho kung kaligtasan ng buhay ang nakasalalay dito. 
Hiling ni Mendoza na bigyan pa rin ng sahod ang mga empleyado na hindi makakapasok dahil maraming kalsada ang mahirap daanan dahil natabunan ng makapal na abo gayundin ay nagtaasan na rin ang mga bilihin.