Monday, January 27, 2020

Masusing pag-aaruga sa mga bata at kababaihan, apila ni Romualdez

Umapila si TINGOG party-list Rep. Yedda Marie Romualdez sa mga opisyal ng national government at local government units na tiyaking magkaroon ng masusing pag aaruga at atensyon ang mga bata at kababaihan na na-apektuhan sa pagsabog ng bulkang Taal. 

Ayon kay Romualdez, chairperson ng House Committee on the Welfare of Children, kailangang sumunod ang mga opisyal ng gobyerno sa probisyon ng Republic Act 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act sa pag-kalinga sa mga bata at kababaihang biktima ng pagsabog.

Sa ilalim ng batas, ang Comprehensive Emergency Program for Children ang gagamiting basehan para sa pangangasiwa ng disaster at iba pang emergency situations upang maprotektahan ang mga bata, buntis, nagpapasusong ina at suportahan ang kanilang dagliang pangangailangan.

Bukod sa probisyon ng RA 10821, idinagdag ni Romualdez kailangan tiyakin din ng mga opisyal ng gobyerno ang proteksyon ng mga batang nasa disaster area laban sa anumang uri ng pang-aabuso at exploitation.