Nanawagan kahapon si dating Health Secretary at kasalukuyang Iloilo Rep Janette Garin sa Department of Health (DOH) na maglabas ito ng regular na mga advisory hinggil sa novel coronavirus.
Ito ay upang matulungan, aniya, na mahinto na ang paglaganap pa ng mga misinformation at mga fake news sa gitna ng outbreak nitong respiratory illness na ito sa buong mundo.
Sinabi ni Garin na tumatagal at masyadong busy si DOH Secretary Francisco Duque na wala man lang ni isa sa kagawaran na nangangahas na magsalita hinggil sa isyu.
Ayon pa sa kanya, ito ang dahilan kung bakit kailangang ang departamento ay dapat mag-umpisa nang magpaliwanag sa publiko dahil ang hindi nila pagpapalabas ng pahayag ay isipin ng tao na mayroon silang tinatagong mga impormasyon.
Ngunit maliban pa sa pagpapalabas ng kagyat na mga update, ang mga ito ay dapat simplified at iwasan nila ang paggamit ng mga technical medical terms para maintindihan ng mga mamamayan.
Maliban pa sa kampanya laban sa false information, umapila rin si Garin sa mga otoridad na huminto na sa pagpapalabas pa ng mga pangalan ng ospital kung saan ang mga suspected patients ay inoobserbahan. (terence)