Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ang Malacañang na i-certify as urgent ang panukalang batas na magtatatag ng Department of Disaster Resiliency.
Ayon kay Castelo, vice chairman ng House Committee on Metro Manila Development, pinatutunayan lamang na ang karanasan sa mabagal at uncoordinated response sa Taal Volcano eruption ay kailangan ng gobyerno na isabatas ang panukala sa lalong madaling panahon.
Sinabi pa ng mambabatas na kailangan ng bansa ang isang ‘super body’ upang i- zero in ang mga requirement para sa disaster preparedness, response at rehabilitation.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Castelo na umaasa ang bansa sa Department of National Defense (DND) at sa Official Development Assistance (ODA) sa panahon ng mga kalamidad.
Mas lalo aniyang importante ang pagkakaroon ng isang super body at hindi rin maitatanggi na ang Pilipinas ay nakahimlay sa Pacific Ring of Fire na kadalasang tinatamaan ng mga kalamidad.